Yoko nang magpaka-artsy fartsy sa mga linya, yoko na din atang mag-ingles napapagod ang utak ko sa kakainggles. Pakshet ingles na nga sa trabaho pati ba naman dito. Gusto ko lang ipakilala sa inyo ang skwater at walang breeding na kalahati ng aking pagkatao si "Jepoy" kung si Eminem eh may Slim Shady na outlet niya ng lahat ng kawalanghiyaan niya at pagiging pasaway ako din meron. Kaya walang pakialamanan at basagan ng trip. Si Jepoy muna ngayon ang magsasalita.
Oo sa tingin ko sopistikado akong tao, may galang sa babae, inglesero, may laman ang utak, nagbabasa at nakakaintindi ng libro(di gaya ng iba diyan nakikiuso lang), pero kung sa tundo ka lumaki at nagkamalay hindi malayo na dala mo pa din yung mga gawi at pag-iisip mo hanggang ngayon, medyo suppressed nga lang. Matagal bago ko nakuha yang sopistikasyon na yan napag-aralan ko sa sarili ko na bago maging tao ang isang tao dapat muna siyang magsimula sa di makatao o mababa pa sa tao na pamumuhay. Dahil sa paraan na yun niya tunay na maiintindihan kung bakit tayo hindi dapat umasal ng ganoon parati.
Dati akong taong wala, walang pera, walang gelpren, walang magawa, walang pinapasukan na paaralan at walang pakialam. Sa madaling salita balahurang pataygutom na palamunin ng kanyang mahal na lola. Hindi ko ikinakaila o ikinahihiya yung mga bagay na iyon dahil, yung panahon na yon ang nagturo sa aking kung paano maging matatag at maging kapit ang paa sa lupa. Hindi ako marunong gumimik nun ang alam kong gimik eh yung inuman sa bahay o kaya sa kanto, tipong wasakan ng bahay alak, walang hindi pwedeng mamula ang hasang. Habang may atay ka pa may ginebra. Nagkakasya na ako nun sa mga ilang boteng gin pomelo o kahit anong maipanghalo. Sa ganon klaseng inuman ka lang makarinig ng mga halo-halong kwento na may kwenta at wala. Madalas may mga nanghihiram ng tapang sa alak naghahanap ng away, may mga umuuwihi, may mga gumagaling mag-ingles, may umiiyak, may mga hindi kumikibo. Sa ganoong gawi ko natutunan ang ibig sabihin ng pakisamahan, dun din ako natutong maging plastik dahil na rin sa iba’t ibang tao ang nakakasama ko natural hindi mo sila magugustuhan lahat, kaya kesa mapatrobol sige Oo na lang ng Oo, tawa kahit inis ayos lang yan basta lasing.
Sabagay hindi naman talaga ako mahilig sa trobol ako yung tipo ng tao na kapag makakakita ng pagkakataon na tumakbo eh tatakbo. Tangina lugi eh bakit ipapangsangkalan yung mukha ko kung alanganin? Gulang lang yan. Sabi nga ng isang kainuman nun na sa tundo raw pag wala kang gulang mamamatay ka ng dilat. Totoo yan di lang sa tondo. Sa lahat ng lugar, panahon at oras kung wala kang kahit konting gulang mapaglalaruan at magogoyo ka lang, madalas kang pusoy. Hindi ko naman sinasabing manlamang ka o mang-apak ka ng tao hindi gulang ang tawag dun "dugas" yon.
Yung tinutukoy kong gulang eh yung pag-iisip na kapag alam mong agrabyado ka o walang matinong patutunguhan yung balak mong gawin wag na lang, mas mabuti pang magkandaihit sila sa katatawa at kakantyaw na duwakang ka kesa naman luwa ang bituka mo o sabog ang bao ng ulo mo. Kaya kung lasing ka at tingin mo matapang ka, manapak ka o di kaya matulog ka para hindi ka makaperhuwisyo ng kapitbahay.
Marami akong kilalang ganyan, mga tapang dami malakas ang loob maghanap ng away kasi may kasama, mga manduduro, yun tipo na anlakas magmura, manindak tapos pag naunahan tatakbo din pala kung di niyo kayang pangatawanan wag nang magtapang-tapangan pag nagkasubuan na mahirap nang umatras. Maraming bagay akong natutunan sa kalye bagay na hindi maganda pero marami ding maganda na tumulong humubog sa akin bilang tao.
Sa pagiging taong wala ako nagkaroon. Dahil sa kawalan ng pera, ng gelpren pala ako nagkaroon ng utak, pangarap at determinasyon. Itinulak ako ng kahirapan sa paglaban dito, dahil nga naman na ayoko nang maging ganun habambuhay nagpursige ako kahit sargo ang uhog ko sa pagmamakaawa na pag-aralin ako ulet, kahit masakit na ang kamay ko kakasulat ng putanginang promisory note, kahit na nung mga panahon na nag-aaral na ako ng mabuti ako biglang napahinto at nanganib bumalik sa pagiging pataygutom, laban pa din. Sa kabutihang palad nabigyan ako ng trabaho, na sa una eh nilutsa ko at biglaang umalis dahil sa tingin ko eh hindi para sa akin. Nagkaroon ako ng bagong trabaho, balik telepono pa din. Doon ko na napagpasiyahan na kailangan ko munang tulungan ang sarili ko maabot yung pangarap ko, kailangan ko pala ng pera para may tutuntungan ako kapag sinubukan ko ng abutin. Laban pa din.
Sa ngayon nakilala ko yung isang parte ng sarili ko na mas pino at sopistikado pero hindi ko naman siya kinompronta naging magkaibigan kami dahil sa tingin ko matutulungan namin ang isa’t isa. Jepoy, Jeps, Jeff, John, Jan, Jan Freud Segismundo Gallon iisa, marami, marusing, malinis, Astig.
"I wrote this entry way back 2006 just wanting to share it again"
Jeps
No comments:
Post a Comment