Anak ng BOOGIE 2006 ko pa sinulat to sa "Friendster" applicable pa din? Nakalulunos nga naman...
Taboo
Matagal ko ding iniwasan na daanan ni pahapyaw itong paksa na tatalakayin ko ngayon. Siguro dahil na din sa ito ang madalas na pagmulan ng argumento ng mga tao at ng kung sinu-sinong miron sa mga kanto at paaralan. Pero hindi ko na matiis, hindi ko na mapigilan na magsalita dahil sa tingin ko sa kahit na maliit na paraan ay makakaimpluwensya ako. Politika, Relihiyon. Ilan lamang sa mga paksa na madalas ay parang gasgas na plaka na paulit-ulit mong maririnig na pinag-uusapan. Sa telebisyon, sa radyo, sa dyaryo, sa kanto, sa jeep, sa opisina kahit sa kubeta sandamukal na Pilipino ang nagpapalitan ng pala-palagay tungkol sa mga usaping binanggit ko kanina. Parliamentary ba o Democratic? Makakaliwa o kanan? Ang tama o ang dati? Administrasyon o Oposisyon? Kapuso o Kapamilya? Mga tanong na pilit sinasagot, nagbababakasakaling mabigyan ng lunas o panandaliang ginhawa sa mga pagod na utak. Bigyan daan natin ang isa’t kalahating bulaang propeta at pantas na magbigay ng pahayag at saloobin ukol sa mga usaping ito.
Politika ng mga galunggong at kamote.
Sawa ka na ba sa paulit-ulit na balita ng destabilisasyon sa TV, radyo, at pahayagan. Kung ako ang tatanungin oo matagal na. Simula pa nuong panahon na dilaw ang nanalong kulay sa pula umay na umay na ako sa mga ganitong klaseng usapin. Teka nga muna, maitanong ko lang paano mo nga ba idedeestablisa ang magulo na simula’t simula pa lang? Lahat sila gustong mamuno, lahat sila pinupulaan ang mali ng nakaupo. Bakit di na lang kaya silang lahat ang maupo? Ang saya nun lahat ng Pilipino may kanya-kanyang gobyerno. Yes! Anarchy! Astig! Kaso parang lalo yatang gugulo nun. Baka magpatayan silang lahat walang matirang tao sa Pilipinas, mga daga at ipis na lang ang magmo-mall, magpe-friendster at magii-starbucks. Yaks kadiri takot pa naman ako sa ipis.
"Putanginang Glory yan dapat sa kanya palitan na masyadong pahirap sa tao" madalas kong marinig ngayon sa mga jeepney o taxi driver o sa kahit sinong inis sa gobyerno ngayon. Pero sino naman ang ipapalit niyo sa kanya, eh yung mga posibleng delegado eh berde at makapal din ang balat. Sa madaling sabi buwaya o magnanakaw din.
Hindi niyo ako masisisi kung bakit wala akong tiwala sa mga taong nakaupo o may kapangyarihan dahil na din sa mga personal na karanasan at mga "Horror Stories" na narinig ko sa mga kaibigan (Diyoskopo parang The Grudge local version!). Wala na akong narinig sa kanila kundi mga linya sa moro-morong pinamagatang "Pangako Sayo", mga pasaring at patutsada sa kabilang partido, mga mungkahi na ika nga ni Bob Ong eh puro "Potential Energy". Parang binabayaran sila ng mamayan para magtarayan at magligawan sa mga opisina nila. Naalala ko tuloy yung mga pelikula nuon ni FPJ na kontrabida niya si Paquito Diaz sa mga linyang binibitawan nila ("Tandaan mo judge, kapag ang palay naging bigas! May bumayo!" tama ba yun?).
Ultimo sa pinakamaliit na yunit ng gobyerno (barangay) may mga anomalya ding nangyayari. Kahit sa mga mamamayan may sabit din. Sa tingin ko hindi mo maituturing na gawi lang ang korupsiyon dito sa Pilipinas mas malalim pa doon. Kultura na natin ang manlamang para sa personal na kapakanan. Likas na oportunista ang Pinoy. Hindi ko nilalahat dahil malamang nasaktan ka sa binitawan ko pero karamihan sa atin minsan may mga ganoong pag-iisip, maski ako. Isang magandang halimbawa nito ay ang mga haka-hakang si Emilio Aguinaldo ang nagpahuli at nag-eskirol kay Andres Bonificio, "conflict of interest" daw ang dahilan kung bakit ibinenta ni Emil si Andy sa mga onaks noon. Maski yung mga katutubong tumulong kay Magellan ng sugurin niya ang mactan eh kapangyarihan din ang habol. Sige sabihin na natin na matagal na at wala ng "relevance" yung mga pangyayaring iyon. Fast forward tayo sa kasalukuyan, naitanong mo na ba kung bakit maraming mga magulang ang gustong pagpulisin ang kanilang mga anak? Inuulit ko hindi ko nilalahat, pero karamihan ang sagot diyan eh "Para protektado kami atsaka may pera dun eh". Pera? sa pagpupulis? Kalokohan alam niyo ba kung magkano lang ang sweldo ng pulis? Saan niya kukunin yung iba? Ayoko ng sagutin dahil alam niyo na ang sagot. Ibaling din natin sa mga magulang at tao na pangingibang bansa ang gusto, oo nakakatulong kayo sa dollar reserves ng bansa pero hindi niyo ba naisip na paano mo pagyayamanin ang bansa mo kung dagat ang pagitan ninyo? Oo nanduon na din ako sa paksang walang suportang matatangaap sa gobyerno pero marami ding ibang paraan. Sa madaling sabi madali tayong masilaw sa kinang ng ginto, at iniisip natin kung paano natin makukuha to ng madalian "easy money" ika nga.
Mayroon nga akong kaibigan na gustong gusto na magtrabaho sa BIR dahil ayon sa kanya malaki daw ang kita doon, wag kayong magkakamali edukado at opinyonando itong taong ito pero dahil na din siguro sa hirap itinapon ang moralidad sa estero. Numero uno din siyang kalaban ng mga pulitiko na walang ginawa kundi magbutas ng bangko sa opisina, sabagay natauhan na yata siya ngayon pagkatapos ko siyang murahin mula ulo hanggang paa. Ang punto ko dito eh madalas nating punahin ang mga bakuran ng malalaking mansyon eh yung barong barong natin eh lintik din pala sa dami ng patay na daga at tae ng pusa. Teka bakit ba yung mga kalebel kong maliit ang tinitira ko akala ko ba tungkol to sa politika itong usapin na to, malamang yan ang tanong na tumatakbo sa isisp mo ngayon. Pero ang pulitika ay gobyerno at ang gobyerno ay binubuo ng namumuno at pinamumunuan.
Huwag na tayong umasa na mababago pa yung mga tao sa itaas, dahil madalas ko ngang sabihin ang taong binaluktot na ng panahon eh mahirap nang ituwid. Magsimula na lang tayo sa pinakapundasyon ng gobyerno, ang pagiging mamamayan. Napanood ko yung patalastas ni Johnny Delgado na tumatalakay sa pagiging barumbado ng mamamayang pinoy, sa palagay ko tama siya. Tayo nga hindi natin masunod yung mga simpleng batas trapiko yun pa kayang mismong gumagawa ng batas. Marami akong nakikitang ganyan sa siyudad na pinapasukan ko sa trabaho. May mga nakakurbatang tumatawid kahit berde, may mga estudyante ng magandang paaralan na nagtatapon ng kalat sa dagat, kung magbibigay ako ng maraming halimbawa eh kulang ang isang malaking rolyo ng papel na galing pa sa pabrika. Bakit hindi natin ugaliing sumunod sa batas? Bakit kailangang mang-apak ng ibang tao para kumita?
Kailangang nating baguhin natin itong mga bagay o gawi na ito para maging ehemplo at impluwensiya tayo sa ibang mamamayan. Malay niyo yung taong maiimpluwensiyahan mo eh anak pala ng pulitiko? Sa malamang at sigurado susunod din sila sa yapak ng mga magulang nila at baka madadala nila yung magandang ehemplo na nakita nila sa iyo. Kung minsan madalas nating isipin na "Sus ako lang naman ang gagawa nito wala namang makakapansin so hindi ito masama", sa dami niyo na nag-iisip na ganyan eh di marami din kayong magiging tarantado. Dito ngayon papasok ang madalas nating dahilan na "ginawa niya hindi siya nahuli gawin ko nga rin".
Maliliit na bagay kung tutuusin pero ang produkto ng maliit ay magiging marami at kapakipakinabang. Iwasan na natin ang pag-iisip na pangmadalian, isaalang-alang natin ang panghabambuhay na buti. Sa mga maliliit na pagbabago natin maabot ang malawakang pag-unlad nang sa gayon na din ay makapagbigay sa mga susunod na lider ng bansa natin. Sa susunod na henerasyon man natin anihin, kahit papaano ay nakapagpunla na tayo bago dumating ang tag-ulan. Tandaan na ang mga prinsipyo mo ay mamamana din ng salinlahi mo. Hindi na sa pagmamartsa sa kalsada nakukuha ang pagbabago, matagal ko nang ibinaba ang kamao na nakaturo sa hangin, dahil hangin lang din sa sikmura and nakuha ko. Bagkus ibinukas ko na lang ang palad ko para makagawa ng kapakipakinabang na bagay na makakatulong sa pamilya ko at sa pamayanan. Imbes na militanteng sigaw, napalitan ng bulong ng pagtuturo at pagmumulat ang lumalabas sa bibig ko. Wala na tayo sa dekada 70. Wala nang diktador. Napalitan na lang ng halimaw na nagtetengang kawali at ignorante na nakatira sa loob ng utak natin. Tapusin na ang pulitika ng galunggong at kamote.
Praktikal at parehas.
Juan Galleon ng Tundo
No comments:
Post a Comment